Araw ng 43rd PAL Manila Marathon sa Linggo

MAGBABAGANG muli ang mga de-gomang sapatos ng libu-libong runners para sa makasaysayang pagbabalik ng PAL Manila Marathon sa darating na Hunyo 22( Linggo) bilang tampok sa pagdiriwang ng Araw ng Maynila.

SPORTS

DANNY SIMON

6/19/20252 min read

MAGBABAGANG muli ang mga de-gomang sapatos ng libu-libong runners para sa makasaysayang pagbabalik ng PAL Manila Marathon sa darating na Hunyo 22( Linggo) bilang tampok sa pagdiriwang ng Araw ng Maynila.

Ang PAL Manila Marathon, kauna-unahang international marathon sa bansa simula 1982, ay muling kakaripas sa pangunguna ng Manila Marathon.org sa pamumuno ni Race Organizer Dino Bautista Jose, katuwang ang Philippine Airlines, Lungsod ng Maynila, at Manila Bulletin bilang opisyal na media partner.

Sa 43rd edition ng prestihiyosong karera, inaasahan ang paglahok ng 98 international runners mula sa U.S., Germany, Sweden, Finland, Singapore, Japan, Turkey, at Malaysia, bilang patunay ng patuloy nitong global appeal at mataas na antas.

Para sa overall male champion, nakataya ang round-trip ticket sa Dubai Marathon 2026, habang ang top foreign runner ay may tsansang manalo ng round-trip ticket sa Tokyo Marathon 2026—kung mababasag ang Philippine all-comers record na 2:14:34 na hawak ni Waldemar Cierpinski mula pa noong 1981.

Lalarga ang karera sa Roxas Boulevard, Liwasang Ilalim (harap ng CCP Complex) at tatakbo ng 42.195 km patungong Quirino Grandstand. May limang race categories:

42KM (Full Marathon)

21KM (Half Marathon)

10KM at 5KM

3KM Fun Run – bagong idinagdag para sa mas maraming pamilya at kabataan.

Lahat ng kategorya ay professionally timed gamit ang Check Point Timing System.

Muling sasabak sina Richard Salano, ang reigning men’s champion, at si Nasser Alali ng France, na runner-up noong nakaraang taon. Pareho nilang hangad ang tagumpay sa mas matinding kumpetisyon ngayong taon.

Ani Jose, isa sa mga pioneer runners ng orihinal na Manila Marathon:

“Bilang isang dating atleta ng karerang ito, ang pagbabalik ng PAL Manila Marathon ay paraan ko para makapagbalik sa komunidad at maitaguyod ang dekalidad na road racing sa bansa.”

Bukod sa Philippine Airlines at Lungsod ng Maynila, suportado rin ang marathon ng mga sponsor gaya ng Gardenia, IONS Energy Drink, Maynilad, Orchid Garden Suites, Salonpas, Unilab, at AMDA (Association of Medical Doctors in Asia).

Bilang opisyal na media partner, nangakong itatampok ng Manila Bulletin ang mga kwento ng determinasyon at inspirasyon ng mga kalahok sa bawat kilometro ng hagaran.

Kaya mga ka-karipasan..dalawang tulog na lang..TAKBUHAN NA!