IN GOD WE TRUST

Bulaga, Evangelista nananalasa sa National swim Open

MULING nangibabaw ang karanasan matapos pangunahan nina Kyla Bulaga at Aishel Evangelista ang Class A competition nitong Sabado sa penultimate round ng 2026 National Long Course Age-Group Championships na ginanap sa New Clark City Aquatics Center.

SPORTS

5/3/20262 min read

MULING nangibabaw ang karanasan matapos pangunahan nina Kyla Bulaga at Aishel Evangelista ang Class A competition nitong Sabado sa penultimate round ng 2026 National Long Course Age-Group Championships na ginanap sa New Clark City Aquatics Center.

Ang 16-anyos na si Bulaga, ang pinakabatang miyembro ng Philippine team sa nakaraang Southeast Asian Games sa Bangkok, ay umani ng kabuuang limang gintong medalya matapos magwagi sa dalawa pang event—ang girls’ 16-year 200-meter individual medley (2:28.52) at 1500m freestyle (18:23.35).

“Ikinagagalak ko ang aking naging performance dahil nagbubunga ang lahat ng paghihirap sa training,” ani Bulaga. “Layunin ko rito na maging consistent at mapabuti pa ang aking mga oras bilang paghahanda sa international competitions.”

Tinalo ni Bulaga sina Stracey Bee (2:44.04) sa IM at Eliana Isabel Rodriguez (18:56.68) sa 1500m freestyle, dahilan upang maging malakas ang kanyang tsansa para sa Most Outstanding Swimmer sa kanyang kategorya.

“Pinagtutuunan ko lang ng pansin ang sarili kong karera at ibinibigay ang lahat sa bawat salang ko sa pool,” dagdag pa niya.

Sa opening day, nanaig din ang beteranang SEA Age Group campaigner sa 200m butterfly (2:25.78), 200m breaststroke (2:43.18), at paborito niyang 800m freestyle (9:44.99).

Samantala, nagningning din si Evangelista, isang standout mula sa University of Santo Tomas, matapos dominahin ang boys’ 16-year division. Nagwagi siya sa 1500m freestyle (17:10.99), naungusan si Zyrhed Pajas (17:13.87), at sa 200m freestyle (1:58.89) kontra kina Bernet Gonzaga (2:03.74) at Mark Africano (2:06.63).

Nasungkit din ni Evangelista ang 200m breaststroke (2:33.86) noong opening day ng tatlong araw na torneo na suportado ng Philippine Sports Commission, Speedo, at MVP Sports Foundation. Ang kompetisyon ay nagsisilbing selection process para sa bubuuing pambansang koponan na lalahok sa iba’t ibang international competitions ngayong taon, kabilang ang Southeast Asian Age-Group Championships sa Singapore.

Sa 19-over class, nakamit ni Southeast Asian Games record holder at two-time gold medalist Xiandi Chua ang kanyang ikalawang ginto sa girls’ 200m freestyle (2:06.37), tinalo si beteranang si Mishka Sy (2:14.30). Nauna na rin niyang napanalunan ang women’s 100m freestyle sa oras na 58.59 segundo, laban kina Trixie Ortiguerra (59.77) at Quendy Fernandez (1:00.92).

Ang kanyang teammate sa nakaraang SEA Games na si Jasmine Mojdeh ay nagtala naman ng ikatlong gintong medalya matapos magwagi sa 50m butterfly (28.50), naungusan sina Alyza Ng (28.25) at Shairinne Floriano (28.59), kasunod ng kanyang panalo sa 800m freestyle (9:27.5).

Nakibahagi rin sa tagumpay si Albert Amaro matapos manalo sa boys’ 19-year 200m backstroke (1:53.52) laban kina Reinel Lagman (2:00.24) at Juan Marco Daos (2:00.81), at sa 50m butterfly (24.72) kontra kina Joshua Ang (24.78) at Patrick Vidal (25.60).

Para sa kumpletong resulta, bisitahin ang opisyal na website at social media pages ng Philippine Aquatics Inc..(Danny Simon)