BUTI NA LANG MATINO SI SEN. PIA CAYETANO

ANG dami palang butas ng napirmahang 2025 national budget.

OPINION

Danny Simon

1/19/20251 min read

ANG dami palang butas ng napirmahang 2025 national budget.

Ayon sa nasilip na tutubong ugat ng kurapsiyon, naisingit ng mga buwitreng mambabatas ang mga blangkong pigura sa mga pondong laan sa mga ahensiya ng gobyerno partikular sa mga unprogrammed project ng annual budget.

Ang pagsumite kasi ng budget na binalangkas ng lehislatura tungong ehekutiba, dapat ay detalyado bawat pigura at numero kung saan magagamit kahit na sentimo ,di lalo pa iyong bilyones o trilyones ang pinaguusapan mula sa pera ng bayan.

Dito ay bawal ang magkamali ng letra o pigura dahil budget ng bayan ito para sa mamamayan.

Ang siste, bakit ang magagaling at honorableng mambabatas sa bicam ay mistulang nabulagan o napasukan ng kasakiman ang kanilang utak kaya nilagyan ang pambansang budget ng palusot at maraming naipuslit sa butas para maibaluktot ang batas.

Di ba nila alam na anumang pagtatangkang ilusot ang kwestiyunableng ipinasang budget na tadtad ng butas ay may malaking pananagutan sa taumbayan..?

Sa ating mga pinagpipitagang mambabatas sa lower lalo sa upper chamber, mga propesyunal at abugado naman sila pero bakit nga pumirma sa kontrobersiyal at kwestiyonable na pondo ng bayan?.

Bilib ang korner na ito partikular kay Senator Pia Cayetano na napatunayang may pagmamahal sa Pilipino. Alam natin kung saan nakakiling ang lady senator sa kanyang kandidatura pero hindi siya lumagda sa alam niyang budget na hindi para sa taumbayan kundi maibubulsa lang ng iilan sa kanilang hanay..Senator Pia..MABUHAY!

LOWCUT: Bakit kaya hindi makuntento ang tao kahit sandamamak na ang salapi sa kanilang baul?Di naman ito maibabaon sa ataul.

Dàti ang ambisyon ng isang bata ay maging Presidente..hindi na ngayon,pangarap nila ang maging Congressman na korap para instant yaman mula sa pera ng taumbayan. 'NAKNGKUWAN NAMAN!'