Cebu runners hari at reyna ng 2024 National MILO Marathon sa Maynila... TAGUMPAY NI LAPIZ AT ABELLA IGINUHIT NG TADHANA
NAGBAKASAKALI ang dalawang taga-probinsiya na lumuwas ng Maynila upang doon ay hanapin ang kapalarang matagal na nilang asam, ang mapabilang sa mga elite long distance runners na umarangkada kahapon sa pagbabalik ng marathon ngayong normal na ang sitwasyon pero higit pa roon ang kanilang nakamit pagkatapos ng karipasang makatuyong balat at lalamunan sa alinsangan at init na ng panahon.
SPORTS
Danny Simon
4/28/20243 min read


NAGBAKASAKALI ang dalawang taga-probinsiya na lumuwas ng Maynila upang doon ay hanapin ang kapalarang matagal na nilang asam, ang mapabilang sa mga elite long distance runners na umarangkada kahapon sa pagbabalik ng marathon ngayong normal na ang sitwasyon pero higit pa roon ang kanilang nakamit pagkatapos ng karipasang makatuyong balat at lalamunan sa alinsangan at init na ng panahon.
Nagmistulang alon ng kulay luntiang karagatan ang ruta ng karera na nilahukan ng higit sa 20,000 fun at competition runners mula sa mga kabataan, magkakatropa, magkakaklase, magkakasekta, magpapamilya, magkakaribal at magkakalaban sa tunggaliang tampok ang paligsahan ng mga batikang footracers sa Kamaynilaan at iba't ibang lalawigan.
Maganda ang panahon bagama't dama na ang init ng Linggo ng umagang iyon ay masayang tumugon sa starting gun ang pulutong ng run enthusiasts na senyales ng tunay na pagbabalik na ng aksiyon at sigla ng bayang karerista sa kalsada kung kaya wala nang bakas na iniwan ang perwisyong pandemya kundi magandang bukas ng pag-asa sa larangan ang hatid ng 2024 National MILO Marathon Manila leg na sumambulat sa SM Mall of Asia Grounds,Pasay City.
Sumiklab na rin ang pabilisan ng mga long distance runners sa 42k-20k at 10k, 5k at 3k (kids).
Dinomina ng Cebu Spectrum runners ang male at female division ng 42k upang tanghaling hari at reyna ng NMM Manila leg sina Florendo Lapiz at teammate na si Lizane Abella.
Sadyang iginuhit ng tadhana ang tagumpay ni Lapiz dahil nakamit niya ang pangarap sa kabila ng sakripisyong hirap na pinatatag ng sampalataya sa Diyos at tiwala sa sarili matapos ang maraming kabiguang palaging anino lang siya ng mga naghahari noon hanggang sa natengga ng pandemya pero sa wakas ay nakamit niya ngayon at nahablot na ang mailap na tagumpay sa patakbo ng prestihiyosong MILO Energy Drink ng Nestle Philippines.
Ang 33-anyos na pride ng Carcar, Cebu ay isinumite ang kanyang winning time na 2:42:53 na kahit di niya nabasag ang personal best na 2:12 ay labis ang kanyang tuwa dahil dito ay kwalipikado na siya sa Milo Marathon National Finals na lalarga sa unang pagkakataon sa Cagayan de Oro sa Mindanao sa huling bahagi ng taon.
"Maganda ang setup,okey ang ruta,kahit maalinsangan ay nakapag-adjust din ako sa karera",buong galak na tinuran ni Lapiz sa panayam. "Salamat sa DIYOS, sa MILO at sa malaking papremyo . Nagbalik sa itaas ang antas ng kumpetisyon at kalidad ng arangkadahang pangarap namin",aniya pa na buong kagalakang siniwalat na ipandaragdag sa pagpagawa ng kanilang bahay ,ibibili ng bagong running shoes at kagamitang pang-marathon at siyempre mayroong para sa kanyang mahal na inay, ang natanggap na taginting na premyong salapi mula sa MILO.
Ilalaan naman ng bagong reyna ng Cebuana na si Abella ang kanyang napanalunan sa mga pangangailangan ng tatlong anak na pawang musmos na ang dalawa ay nag-aaral na.
"Mabuti na lang po at nakabalik na sa aksiyon ang MILO. Thanks GOD kaya balik din po ang aming wish na mamayagpag bawat patakbo na lagi naming aabangan", sambit ni Abella na qualified din para sa national finals sa CdO na tiyak na mas matindi ang laban sa presensiya ng mga miyembro ng national running team.
"Overall ay bumalik na ang sigla ng MILO Marathon,rekord din ang higit 20,000 na kumarera sa Manila leg na bahagi ng selebrasyon ng Milo @ 60. 'Let's Bring Out the Champion in every Filipino," pahayag ni MILO Sports Executive Carlo Sampan na nagpasalamat sa pakikiisa ng Dep Ed,Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MMDA, LGU, medics, kabataan, adults at senior citizens na nakiisa sa tagumpay ng kaganapang pang-sports, camaraderie at pang-pamilya.
BAGONG hari at reyna ng 2024 National MILO Marathon Manila leg na sina Florendo Lapiz at Lizane Abella na parehong taga-Cebu. (Kuha ni Menchie Salazar)
Address:
Raedang International Builder and Developer, Inc.
#81 Andamiro Bldg. A. Santos Ave., Sucat, Parañaque City
Contact us:
09395584762
dasgilas010@gmail.com Office Hours: 8am-5pm
To God Be the Glory
Editor-In-Chief: Danny Simon
Editor: Enjel Manato