Golden Boy Yulo...PARAISO TO PARIS!
TUNAY na di natin alam ang kapalaran.
OPINION
Danny Simon
8/4/20243 min read


TUNAY na di natin alam ang kapalaran.
Halos dalawang dekada na ang nakaraan nang mapansin ko ang mga batang musmos na naglalaro ng sirku-sirko sa may 'PARAISO ng Batang Maynila', isang maliit na parke sa may harapan ng Manila Zoo.
Isa sa mga batang iyon si Caloy na siyang bidang sirkero sa me madamong sulok ng lunduyang iyon.
Siya at ang reporter na ito( PSC ang beat) ay magkalugar sa Leveriza, stonethrow away lang sa Rizal Memorial Sports Complex.
Tiyak na minana niya ang husay niyang mag-tumbling sa kanyang amang magaling na street breakdancer na hinahangaan ng mga hiphoppers na kabataang entusyastiko sa Maynila.
Dahil sa angking talento ay naging gymnastics athlete ang batang Yulo sa Aurora Elementary School sa San Andres, Malate at nasasabak sa mga scolastic sports meet hanggang Palarong Pambansa.
Ang gymnastics noon ay di masyadong napapansin dahil suko tayo sa husay ng ibang lahi ng mga singkit at puti .
Kaya pag nananalo noon si Yulo ay di man lang nababalita lalo sa diyaryo.
Isang araw noon ay nasalubong ko sa Rizal ang mga batang Leveriza kasama ang kanilang Lolo Rico para manood ng praktis ng mga batang gymnast sa venue ng gymnastics sa likod ng Rizal Coliseum para lalong mahilig ang tatlong batang kasama niya at pangaraping makapaglaro sila sa standard na gym na iyon.
Nakausap ko si Lolo Rico at nakiusap na isulat ko naman iyong mga panalo ni Caloy lalo sa Palaro.
Na-kronikel ng korner na ito ang mga panalo ni Yulo hanggang mapansin siya ni tukayo (late) Danny Lopez ng GAP kaya nabigyan ng pakakataong makalaro sa tunay na gym si Caloy.
Nadagdagan ang mga wagi nito dahilan upang napansin siya ng Philippine Sports Commission kaya inalagaan siya sa mga pangangailangan (training, exposures, competittions) sa timon ng NSA sa pamumuno ni GAP prexy Cynthia Carrion at nahasa siya nang husto sa mga international exposure sa giya ng dayuhang maestro na nag-resulta upang makapag-alay na siya ng mga karangalan sa Pilipinas mula SEAGames, Asiad , tampok ang World Championship niya sa Germany.
Umabot sa sukdulan ang kanyang pangarap na maging Olympian.
Nabigo man siya noong Tokyo Olympics, naisakatuparan na ang kanyang marubdob na pagnanais sa Paris.
Kampeon na sa wakas ang golden boy na si Caloy.
Nagmula lang sa 'PARAISO ng Batang Maynila...ngayon ay realidad na ang kanyang Olympic Gold sa PARIS. Tagumpay na walang kaPARIS sa puso ng Sambayanang Pilipino..MISMO!
Lowcut: Special shoutout sa ating kaisport na si Master Crisanto Cuevas- ang founder / president ng GSF Raven Tanay SIKARAN (tradisyunal na Pinoy martial arts). Pugay din sa kanyang mga pambatong mandirigmang sikaran na nag-overall champion kamakailan sa Cebu City Philippine Traditional Sports Sikaran Championship kaya bongga ang kanilang victory party pagbalik nila sa Tanay at espesyal na panauhin ang Tanjuatco political kingpins sa Rizal na walang sawang sumusuporta sa kanilang mga adhikain sa SIKARAN. Si Master Cuevas din ang gensec ng Global Sikaran Federation( GSF) na itinatag ni GM Hari Osias Catolos Banaag na nakabase sa Estados Unidos.Special shoutout also to Ms Baba Yuko & Tetsuya Tsuda san of Japan Traditional Sports. Mabuhay Sikaran TANAY!




Paris Olympics Gold Medalist Gymnast 'Golden Boy' Carlos Edriel Yulo with GilasNews Editor-in-Chief & Tonite PF Columnist/Reporter Danni Simon
Address:
Raedang International Builder and Developer, Inc.
#81 Andamiro Bldg. A. Santos Ave., Sucat, Parañaque City
Contact us:
09395584762
dasgilas010@gmail.com Office Hours: 8am-5pm
To God Be the Glory
Editor-In-Chief: Danny Simon
Editor: Enjel Manato