IN GOD WE TRUST

IM Eric Labog Jr., naghari sa FIDE rapid chess tourney

PINAGHARIAN ni International Master Eric Labog Jr. ang isinulong na Manny Pacquiao Chess Philippines Rapid Chess Tournament-FIDE Rated na ginanap sa Pavilion Mall, Greenfield District, Mandaluyong City nitong weekend (Linggo, Pebrero 1, 2026.)

SPORTS

2/2/20262 min read

PINAGHARIAN ni International Master Eric Labog Jr. ang isinulong na Manny Pacquiao Chess Philippines Rapid Chess Tournament-FIDE Rated na ginanap sa Pavilion Mall, Greenfield District, Mandaluyong City nitong weekend(Linggo, Pebrero 1, 2026.)

Tinapos ni Labog ang 7-round Swiss system competition na may 6.5 points mula sa anim na panalo at isang draw upang masungkit ang titulo at ang P10,000 cash prize.

Ang tubong Solano, Nueva Vizcaya na si Labog ay nakapagtala ng limang sunod-sunod na panalo laban kina Leandro Miguel Torrato, Rjay Domingo, Ritchie James Abeleda, Jerome Villanueva, at Marc Kevin Labog. Naghati naman sila ng puntos ni National Master Phil Martin Casiguran sa ika-anim na round bago tinalo si Chester Neil Reyes sa ikapito at huling round.

"Sobra ang saya ko sa aking mga panalo," ani Labog, na nagwagi rin sa 1st Tiendesitas Open sa Pasig City noong Sabado.

Sina Casiguran, Don Tyrone Delos Santos, Jerry Areque, at Jan Clifford Labog ang sumakop sa ikalawa hanggang ikalimang pwesto na may magkakaparehong 6.0 points. Sina Reyes, FIDE Master Raymond Salcedo, at Jhulo Goloran naman ang tumapos sa ika-anim hanggang ikawalong pwesto na may 5.5 points, habang sina Marc Kevin Labog at Mark Gerald Reyes ang nanguna sa malaking grupo ng mga nakakuha ng 5.0 points.

Nasungkit naman ng 13-taong gulang na si Woman Candidate Master Nika Juris Nicolas ang top lady award, habang si Lord Yofiel Young ang nakuha ang top kiddy award.

Ang matagumpay na kaganapan ay pinagtulungang i-organisa nina G. John Salcedo at G. Jonas Silvano, sa pakikipagtulungan ng Greenfield District. Ito ay naging posible sa pamamagitan ng todo-suporta ni dating Senator Manny Pacquiao at ng Kalaro Founder at President na si G. Jun D. Lasco. Ang turneo ay sanctioned ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa pamumuno ng chairman/president nito na si dating Rep. Prospero Arreza Pichay Jr. at ng Games and Amusement Board (GAB) sa pangunguna ng chairman nito na si Atty. Francisco Rivera.-DAS

Nagwagi: Si International Master Eric Labog Jr. (pangatlo mula sa kanan) habang nanalo sa Manny Pacquiao Chess Philippines Rapid Chess Tournament-FIDE Rated sa Pavilion Mall, Greenfield District, Mandaluyong City nitong nakaraang Linggo, Pebrero 1, 2026. Kasama rin sa larawan (mula sa kaliwa) sina National Master Almario Marlon Bernardino Jr., Tyrone De Los Santos (3rd place), National Master Phil Martin Casiguran (2nd place), Tournament Director G. John Salcedo, at Candidate Master Genghis Imperial.

Seremonyal na Galaw: Ang tradisyunal na "twin ceremonial moves" nina Woman Candidate Master Nika Juris Nicolas habang nakikipagkamay kay Glory Grace Mencias-Branzuela, at ni International Master Eric Labog Jr. habang nakikipagkamay kay Tournament Director G. John Salcedo bilang hudyat ng pagsisimula ng nasabing kompetisyon sa chess. DAS