Matagumpay na hosting ng Pilipinas sa FIVB Men's World, 10 of 10 ayon kay Sen. APCayetano

BINIGYANG-pugay ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang matagumpay na “10 out of 10” hosting ng Pilipinas sa 2025 FIVB Men’s World Championship, na itinuring niyang patunay ng mainit na pagtanggap at world-class na hospitality ng mga Pilipino.

SPORTS

Ni Danny Simon

10/2/20252 min read

​​BINIGYANG-pugay ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang matagumpay na “10 out of 10” hosting ng Pilipinas sa 2025 FIVB Men’s World Championship, na itinuring niyang patunay ng mainit na pagtanggap at world-class na hospitality ng mga Pilipino.

Nakamit ng bansa ang mataas na marka mula kay FIVB President Fabio Azevedo sa pagtatapos ng torneo nitong Septemer 28.

“What makes us a perfect venue for hosting multiple teams and multiple sports ay ang hospitality ng Pilipino. Iba talaga,” sabi ni Cayetano.

Kasabay nito, inanunsyo ng FIVB na ang Pilipinas din ang magiging host ng 2029 Women’s World Championship— ang unang pagkakataon sa bansa at pangalawa sa Southeast Asia sa nakalipas na tatlong edisyon.

Bilang Chairman Emeritus ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) at co-chair ng Local Organizing Committee, sinabi ni Cayetano na patunay ito ng kakayahan ng bansa na mag-host ng world-class events.

Ngunit iginiit niya na hindi magtatagal ang ganitong tagumpay kung walang pangmatagalang plano. Dahil dito, muling nanawagan si Cayetano sa pagtatatag ng Department of Sports upang masigurong mapapakinabangan at mapapalago ang tagumpay ng bansa sa sports hosting at sports tourism.

“Right now, we have the Philippine Sports Commission. But as a commission, it doesn’t receive a regular budget every year. We really need a dedicated department that will provide focused leadership and a clear roadmap toward the sports industry we envision for the Philippines,” aniya.

Noong Hulyo, inihain ng senador ang Department of Sports Act of 2025 na layong bumuo ng pambansang ahensya na mangunguna sa sports programs, makikipagtulungan sa pribadong sektor, at magpapatupad ng National Sports Development Agenda.

Layon nitong tumutok sa grassroots participation, athlete development, mas mahusay na coaching, at modernong sports facilities.

Pinalakas pa ni Cayetano ang panawagan matapos ang budget briefing sa Senado noong September 25 kung saan sinabi ng Department of Tourism (DOT) na malaking oportunidad ang sports tourism bilang economic driver ngunit limitado ang pondo para sa branding at promotions.

“Hundreds of billions of dollars ang sports tourism sa buong mundo. So, in search of our identity economically — call centers, manufacturing, agriculture — we want the Philippines to be a powerhouse in sports tourism,” wika ni Cayetano.