IN GOD WE TRUST
Misyon ni Tingzon at ng PABA REALIDAD NG BAGONG BASEBALL CENTER SA 'PINAS
Malapit nang maisakatuparan ang isang inaasam na “field of dreams” para sa Philippine baseball.
SPORTS
Ni Danny Simon
3/27/20262 min read


Malapit nang maisakatuparan ang isang inaasam na “field of dreams” para sa Philippine baseball.
“If you build it, they will come,” ani Philippine Amateur Baseball Association (PABA) president Rodolfo “Boy” Tingzon, Jr. sa kanyang pagdalo sa lingguhang Usapang Sports ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) nitong Huwebes sa Rizal Memorial Sports Center (RMSC) Badminton VIP Hall.
Hinango ang kanyang pahayag mula sa klasikong pelikulang Field of Dreams, inamin ni Tingzon na sa kabila ng tagumpay ng pambansang koponan sa pandaigdigang entablado, nananatiling matumal ang interes sa sport, kung saan tila nabawasan ang mga manonood at unti-unti na ring inaalis ng mga magulang ang baseball sa listahan ng summer activities ng kanilang mga anak.
“Those were the days when fans and families filled the Rizal Baseball Stadium to the rafters. Every game felt like a fiesta,” Tingzon recalled. “I’m grateful to have witnessed that golden era. Now, as PABA president, I feel it’s my responsibility to bring life back to the sport we love—for the next generation,” ani Tingzon.
Ayon kay Tingzon, nananatiling nangungunang bansa ang Pilipinas sa baseball sa Southeast Asia at ika-lima sa Asya, kasunod ng Japan, Korea, Taiwan, at China.
“Hindi tayo nagkukulang sa talento. Tuloy-tuloy at matibay ang ating grassroots program. Ang tunay na problema ay ang kakulangan ng playing venue. Mula pa noong 1938, ang Rizal Baseball Stadium lamang ang tanging pag-aari ng gobyerno na diamond field sa bansa. May ilan mang naitayo, pribado naman ang mga ito,” diin ni Tingzon, na anak ng yumaong si Rodolfo, Sr., na kinikilalang ‘Father of Asian Youth Baseball.’
Ang nakatatandang Tingzon, na dating kongresista ng Laguna, ang nagtatag ng Little League Baseball sa bansa noong 1964 at kalaunan ay itinatag ang PONY baseball/softball sa Asya noong 1975. Isa rin siya sa mga nagtatag ng World Boys Baseball Federation noong 1982.
Sa muling pakikipagtulungan ng PABA sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni Chairman Patrick “Pato” Gregorio, sinabi ni Tingzon na muling babalik sa tamang direksyon ang baseball sa bansa—ang landas na sinimulan ng kanyang ama.
“Tutulungan kami ng PSC na tukuyin ang mga probinsya sa Visayas at Mindanao kung saan magtatayo tayo ng regional training centers. Inaprubahan din ni Chairman Pato ang masterplan ng PABA para sa National Youth Baseball Championship ngayong taon. Mula distrito hanggang regional level, magkakaroon tayo ng mga torneo. Ang mga kampeon dito ay magtatagisan sa National Finals. Sa ganitong programa, maibabalik natin ang interes ng mga kabataan sa baseball, mapapalakas ang grassroots, at mas marami tayong mapipiling talento para sa National Team,” paliwanag ni Tingzon.
Dagdag pa niya, naghahanap din ang PSC ng lugar sa loob ng New Clark City sa Capas, Tarlac upang magtayo ng isang makabagong Diamond Field. Kamakailan lamang ay nakipagkasundo ang PSC sa Bases Conversion Development Authority (BCDA) upang paunlarin ang 30 ektaryang lupa sa NCC bilang isang sports hub.
“Sisimulan na namin ito, lalo na’t napapanahon dahil may PSC head tayo na tulad ni Pato Gregorio. Pinagsasama niya ang sports at turismo na mahalaga sa matatag na sports program,” dagdag ni Tingzon.
Sa kabila ng mga planong ito, nakatuon din ang PABA sa masinsinang paghahanda ng men’s team para sa Asian Games sa Nagoya ngayong Setyembre, gayundin sa pagho-host ng Asia Pacific Championship sa Nobyembre.
“Magtatakda kami ng national tryouts pagkatapos ng UAAP at NCAA sa Hunyo upang mabigyan ng pagkakataon ang mga batang atleta. Bukas din ang tryouts sa mga dayuhang may dugong Pilipino. Umaasa kaming makakuha ng mahuhusay na pitcher dahil dito tayo nagkukulang. Sa ngayon, ang pinakamabilis nating pitching ay nasa 55 mph,” ani Tingzon.
PABA Pres. Rodolfo 'Boy Tingzon, Jr.
Address:
Raedang International Builder and Developer, Inc.
#81 Andamiro Bldg. A. Santos Ave., Sucat, Parañaque City
To God Be the Glory
since 2023
Editor-In-Chief: Danny Simon
Editor: Enjel Manato ---enjel64@gmail.com
