PAGTINDIG NG TAUMBAYAN KONTRA KAWATAN SA GITNA NG KARIMLAN

NOONG ika-21 ng Setyembre, libu-libong Pilipino ang nagpamalas ng kanilang indignasyon , katapangan upang manindigan para sa kung ano ang tama na simbolikong idinaos sa EDSA People Power Monument na tinaguriang “Trillion Peso March.”

NEWS

Ni Joanne Manglicmot

9/23/20252 min read

NOONG ika-21 ng Setyembre, libu-libong Pilipino ang nagpamalas ng kanilang indignasyon , katapangan upang manindigan para sa kung ano ang tama na simbolikong idinaos sa EDSA People Power Monument na tinaguriang “Trillion Peso March.”

Iba’t -ibang organisasyon at indibidwal ang nagtipon, bawat isa'y may kani-kanilang sigaw , banner, at panawagan ng pananagutan sa mga nasa poder ng kapangyarihan na umabuso at nagkamal sa kabang-bayan.

Dama ang galit, pagkakaisang panagutin ang mga yumurak at nagmaliit sa talino ng sambayanan dahil sa harapang kurapsyon ng mga nasa posisyon na halal ng bayan,isa itong pagtangis at panggising -diwa at panilay-liwanag para sa mga taong tila nagbubulag-bulagan sa karimlan na kinasasadlakan ng bansang Pilipinas. Isang sigaw ng kasagutan para sa bilyun-bilyong salaping niransak ng mga kawatan at patuloy pang nagnanakaw.

Hindi ito isang ordinaryong protesta lamang,itinaon ito ito sa ika-53 anibersaryo ng pagdeklara ng Batas Militar, na sumisimbolo sa araw ng pang-aapi at patuloy na. pakikibaka para makamtan ang maayos at tapat na pamumuno.

Ang mga nagprotesta ay hindi basta mga grupo lamang,sila ay mula sa malawak na sektor ng lipunan, mga simbahan, organisasyong sibil, manggagawa, guro, at mga ordinaryong mamamayang sawang-sawa na sa mga pangakong hindi tinutupad.

Pangmalawakang katiwalian: mga proyektong guni-guni para sa impŕastraktura tulad ng flood control at maling paggamit ng pondo na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso.

Ang mga pangunahing apektado? Ang mga mahihirap, ang palaging binabaha, silang walang ibang inaasahan kundi ang gobyernong patuloy naman silang binibigo.

Ano nga ba ang ipinapahiwatig ng kilos-protesta?

Nananatiling makapangyarihan ang pagpoprotesta. Sa kabila ng mga babala, hindi ito panahon ng pananahimik. Hindi sapat ang pagsigaw–kailangan may managot at tumugon sa hinaing ng bayan na dùmaranas ng kahirapan dahil sa mga kawatang dapat ay lingkod-bayan.

Isa itong moral na paalala. Gising na ang bayan. At hindi ito titigil sa laban para sa tunay na pagbabago. Sa lahat ng ipinagkait at sa tiwalang sinayang, muling narinig sa EDSA ang hinaing–ang sigaw laban sa mga nagka-interes pansarili at nagtaksil sa Inang Bayan.

Hinayaang pukawin ang sandali para ipanawagan ang pananagutan. Ipinamalas ng taumbayan na hindi kailanman dapat manahimik sa harap ng katiwalian. Panahon nang bumoses. Panahon nang managot ang mga kurakot na mga nakabarong sa mata ng lipunan.