IN GOD WE TRUST
Pangarap na Tagumpay ng Atletang Pilipino…LAHAT AY POSIBLE PARA KAY DR. AFABLE
MULA sa palengke ng Marikina Hanggang sa Paghubog ng mga Kampeon: Ang Misyon ni Dr. Norman Afable Hindi lahat ng bayani sa sports ay makikita sa loob ng playing court.
SPORTS
Ni Danny Simon
6/13/20262 min read


MULA sa palengke ng Marikina Hanggang sa Paghubog ng mga Kampeon: Ang Misyon ni Dr. Norman Afable
Hindi lahat ng bayani sa sports ay makikita sa loob ng playing court. May ilan na matapos ang kanilang karera bilang atleta ay pinipiling maglingkod sa likod ng tagumpay ng susunod na henerasyon.
Isa na rito si Dr. Norman Afable, dating collegiate basketball player na ngayon ay inilaan ang kanyang buhay sa pagtulong sa mga atletang Pilipino na maabot ang kanilang pinakamataas na potensyal.
Bago siya naging doktor, propesor, at tagapagtaguyod ng sports development, nagsimula si Dr. Afable sa payak na pamumuhay sa Marikina. Sa murang edad na pitong taong gulang, natuto na siyang maghanapbuhay upang makatulong sa pamilya. Lumaki siya sa palengke ng Marikina habang ang kanyang ama ay nagtatrabaho bilang janitor sa post office.
Isa sa mga hindi niya malilimutang yugto ng kanyang kabataan ay ang pagtitinda ng sigarilyo sa Cubao. Madalas siyang nakatambay sa labas ng Araneta Coliseum tuwing may mga laro ng PBA, UAAP, at NCAA. Habang pinagmamasdan ang mga idolo sa loob ng Big Dome, unti-unting nabuo sa kanyang isip ang isang pangarap — ang makalaro balang araw sa parehong entablado.
Hindi nagtagal at nagsimulang magbunga ang kanyang pagsisikap. Sa edad na 14, taglay ang taas na 6-foot-4, naging bahagi siya ng dalawang Palarong STRAA Regional Meet at kalaunan ay kinilalang Most Promising Player. Naging miyembro rin siya ng Marikina Selection Team sa tulong nina Manager Tony Boy "Bolok" Santos at Coach Butch Orosc.
Nagpatuloy ang kanyang pag-angat nang mapabilang siya sa koponang kumatawan sa Rizal sa Philippine National Games sa ilalim ng suporta ni dating Rizal Governor Casimiro "Tito" Ynares. Sa edad na 17, natupad ang kanyang pangarap nang maging bahagi siya ng Jose Rizal College Heavy Bombers sa NCAA at makapaglaro sa Araneta Coliseum, gayundinsa malalaking liga sa labas ng Manila
Sa kabila ng tagumpay na tinatamasa sa hard court nagdesisyon siyang tailuran ito at bigyan prioridad ang edukasyon at sa edad na 24, nagbukas ang panibagong kabanata sa kanyang buhay.
Nagtapos siya ng medisina at kalaunan ay naging ganap na doktor. Ngayon, bukod sa kanyang mga responsibilidad sa pharmaceutical industry, mga ospital, at akademya bilang propesor sa master's at doctoral programs, masigasig niyang isinusulong ang kalusugan at pag-unlad ng mga atletang Pilipino.
Para kay Dr. Afable, ang tagumpay sa sports ay hindi lamang nakasalalay sa talento at sipag. Mahalaga rin ang wastong nutrisyon, tamang supplementation, at siyentipikong paghahanda upang mapanatili ang mataas na antas ng pagganap ng mga atleta.
Ito ang dahilan kung bakit aktibo siyang sumusuporta sa mga batang atleta sa larangan ng basketball, running, at cycling. Kabilang sa mga kanyang natutulungan ay ilang elite athletes at maging mga national-level competitors, kabilang ang bagong Philippine cycling record holder na si Zedric Honorica na patuloy niyang ginagabayan sa aspeto ng kalusugan at performance enhancement.
Ang kanyang layunin ay simple ngunit makabuluhan: mabigyan ng tamang suporta ang mga atletang Pilipino upang makasabay sa pinakamahuhusay sa Asya at makapag-uwi ng mas maraming gintong medalya para sa bansa.
Mula sa pagiging batang nagtitinda sa labas ng Araneta Coliseum hanggang sa pagiging doktor na tumutulong sa paghubog ng mga susunod na kampeon, pinatunayan ni Dr. Norman Afable na ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa sariling mga medalya at tropeo. Mas mahalaga ang kakayahang magbigay ng inspirasyon at oportunidad sa iba upang maabot nila ang kanilang mga pangarap.
Sa bawat atletang kanyang natutulungan, patuloy niyang isinusulat ang kanyang pinakamahalagang legacy — ang maging katuwang sa paglikha ng susunod na henerasyon ng mga kampeon para sa Pilipinas.
Dr. Afable at Honorica
Address:
Raedang International Builder and Developer, Inc.
#81 Andamiro Bldg. A. Santos Ave., Sucat, Parañaque City
To God Be the Glory
since 2023
Editor-In-Chief: Danny Simon
Editor: Enjel Manato ---enjel64@gmail.com
