Patriotic swimmers pasiklab sa Bangkok meet

MATAGUMPAY ang naging kampanya ng Swim League Philippines (SLP) ‘Patriots’ swimmers sa katatapos na Asian Open Schools Invitational (AOSI) sa Assumption University Aquatic Center sa Bangkok, Thailand.

SPORTS

ni Danny Simon

9/12/20252 min read

MATAGUMPAY ang naging kampanya ng Swim League Philippines (SLP) ‘Patriots’ swimmers sa katatapos na Asian Open Schools Invitational (AOSI) sa Assumption University Aquatic Center sa Bangkok, Thailand.

Hataw ang delegasyon ng bansa na kinatawan ng tatlong koponan kung saan tinanghal na overall champion ang Patriiots Luzon na pinangunahan ng magkapatid na Behrouz Mohammad Madi at Mikhael Jasper Mikee Mojdeh na kapwa itinangghal na Most Outstanding Swimmer (MOS) sa kani-kanilang age division.

Nakopo ng Patriots Luzon ang kabuuang 4,867 puntos kabilang ang nakamit na 244 puntos ng 10-anyos na si Mikee tampok ang tatlong ginto, tatlong silver at dalawang bronze medal, habang kumana si Madi ng kabuuang 374 puntos mula sa pitong ginto, tampok ang limang meet record at isang silver.

Ang Patriots Visayas sa kabilang banda ay nagtatapos bilang Second Runner-Up, at ang The Patriots Mindanao ay nagmaplas ng kapansin-pansing pagganap, na nakakuha ng maraming Personal Best Times sa iba't ibang mga events.

Binati ni Commissioner Fritz Gaston ang mga manlalangoy at ang kanilang mga coach matapos magbigay ang koponan ng courtesy call sa Philippine Sports Commission.

"Ang mga batang atleta na ito ay hindi lamang nag-uwi ng mga medalya kundi nagdala rin ng karangalan sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang talento at determinasyon," sabi ni Gaston.

Ginawaran ni Global Aquatics Chairman Mr. Chanaka Fernando ang Swim League Philippines ng Award of Appreciation bilang pagkilala sa patuloy nitong tungkulin sa paglingap ng grassroots aquatics sa bansa.

Binibigyang-diin ng parangal ang misyon ng SLP sa pag-aalaga ng mga batang talento sa paglangoy mula sa buong Pilipinas—Luzon, Visayas, at Mindanao—at pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataong maging mahusay sa pandaigdigang yugto bilang suporta sa National Federation na Philippine Aquatics Inc. (PAI).

Si SLP President Fred Galang Ancheta at SLP Chairman Joan Mojdeh ay nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa pagkilala.

"Ipinagmamalaki naming ang nagawa ng aming mga manlalangoy. Ang tagumpay na ito ay isang patunay ng pagsusumikap ng aming mga atleta, coach, magulang, at buong komunidad sa paglangoy. Kami ay pare-parehong nagpapasalamat sa PSC para sa kanilang patuloy na suporta,” ayon kay Galang.

Ang Swim League Philippines ay patuloy na nagpapatibay sa posisyon nito bilang isang organisasyon sa kumakalinga sa pag-unlad sa Philippine aquatics.