Paul John Lauron hari sa Singapore rapid chess; Joshua Juaneza ang segunda

ANG batikang woodpusher at journeyman na si Paul John Lauron ng Pilipinas ay tinanghal bilang kampeon sa 13th FIDE Rated Rapid Chess Tournament nitong Pebrero 15, 2025 sa PGP Hall, Serangoon Rd.sa Singapore.

SPORTS

Abbe Pamplona

2/23/20251 min read

ANG batikang woodpusher at journeyman na si Paul John Lauron ng Pilipinas ay tinanghal bilang kampeon sa 13th FIDE Rated Rapid Chess Tournament nitong Pebrero 15, 2025 sa PGP Hall, Serangoon Rd. sa Singapore.

Nagkaroon siya ng perpektong kampanya pagkatapos magtala ng 6.0 puntos sa six-round Swiss system competition na nag-apply ng rapid time control 15 minutes plus 3 seconds increment.

Dinaig ni Lauron sina Dash Ahan ng India, Shandilya Harsdeep ng India, Qi Yang Benedict Leow ng Singapore, Ming Wei Benjamin Wong ng Singapore, Lucas Li Zhe Yeo ng Singapore at Raman Sundar ng Singapore, ayon sa pagkakasunod.

Kaya, nakakuha si Lauron ng 300 Singapore Dollar kasama ang tropeo para sa kanyang pagsisikap.

"I Am happy with my performance," sambit ni Lauron.

Samantala, si Joshua Juaneza ng Pilipinas ay nagtapos sa ikalawang puwesto sa SGChessHub Rapid na ginanap sa Jurong Spring Community Club sa Singapore.

Si Juaneza ay nagkaroon ng limang panalo, isang tabla at isang talo na natapos noong Sabado, Pebrero 22, 2025.

Tinalo niya sina Shayaan Daniyal Shahrudin ng Singapore, Naveen Senthil ng India at Chee Shun Chin ng Singapore.

Naputol ang kanyang ikatlong sunod na panalo nang matalo siya kay International Master Nima Javanbakht ng Iran sa ikaapat na round.

Gayunpaman, nakabawi si Juaneza matapos talunin sina Sherman Surandiran ng Australia at Tanush Kapoor ng Singapore sa ikalimang at ikaanim na round pagkatapos ay nahati ang puntos kay Chenyu Wu ng Singapore sa ikapito at huling round.

Nakuha ni IM Nima Javanbakht ang titulo sa impresibong iskor na pitong panalo sa pitong outings.