Reklamong multi- milyong graft umano kay QC D3 Rep. Pumaren isinampa

Kasalukuyang iniimbestigan ng Commission on Audit (COA) at ng Office of the Ombudsman ang reklamo ng isang concerned citizen laban kay Congressman Franz Pumaren kaugnay sa apat na hindi umano natapos na infrastructure projects sa District 3, Quezon City.

OPINION

DANNY SIMON

4/13/20252 min read

Kasalukuyang iniimbestigan ng Commission on Audit (COA) at ng Office of the Ombudsman ang reklamo ng isang concerned citizen laban kay Congressman Franz Pumaren kaugnay sa apat na hindi umano natapos na infrastructure projects sa District 3, Quezon City.

Ayon sa naturang reklamo, inilagay ang mga poste para sa pagtatayo ng isang multi-purpose building sa Barangay Pansol, isang proyekto sa ilalim ng timon umano ni Pumaren. Gayunman, hindi daw ito natapos at kasalukuyang binabaklas ang mga nakatayong poste ng mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Inerereklamo. si Pumaren at ang mga contractor mula sa Aylan Construction & Trading at CG General Construction & Development Corporation ng paglabag umano sa mga sumusunod na batas: Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Government Procurement Reform Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Revised Penal Code (Articles 220, 217, at 171), National Building Code of the Philippines, at Civil Code (Article 21723).

Bilang tugon sa mga paratang, naglabas ng pahayag si Pumaren noong Abril 10, 2025 sa isang Facebook post. Aniya, ang lahat ng pondong nakalaan para sa proyekto ay naibalik sa Bureau of Treasury. Dito, nagpakita siya ng mga patunay upang suportahan ang kanyang pahayag.

Sa kanyang mga naunang kasagutan, sinabi niya na ang naturang proyekto ay nagsimula sa ilalim ng administrasyon ni Cong. Allan Reyes. Ngunit, ayon sa mga dokumento, na-aprubahan ang kontrata para rito noong Nobyembre 10, 2022—panahong si Pumaren na ang naka-upo sa puwesto.

Pag-aaksaya ng pera ng bayan ang nangyari sa mga hindi umano natapos na proyekto ni Pumaren at ito ayon sa reklamo ay kulang sa tamang pagpaplano, komunikasyon, at maayos na pamamahala ng pondo ng distrito. Karamihan anang nagrereklamo kaugnay sa mga proyektong ito ay hindi tapos, inabandona, o walang pangagailangan.

Bukod sa reklamong isinampa, marami pa umanong proyekto si Cong. Pumaren na hindi tapos at wala umanong follow up tulad ng

mga sumusunod:

● Multi-purpose building with site development sa Barangay Ugong Norte na nagkakahalaga umanon ng P39M

● Multi-purpose building sa Belarmino High School na nagkakahalaga daw ng P24M. idineklara umano itong tapos na, ngunit ito ay inabandona na mayroon lamang isang konkretong poste na nakatayo

● Multi-purpose building sa Brgy. White Plains na naideklarang tapos umano, ngunit kasalukuyan pa ring tinatayo na nagkakahalaga daw ng P47M

Sa harap ng mga isyung nabanggit, dapat na managot ang mga opisyal na nagpabaya at umabuso sa kanilang tungkulin at kapangyarihan kapag napatunayan dahil ang bawat sentimo sa kaban ng bayan ay dapat na ginagamit sa kapakanan ng mamamayan at hindi sa pansariling interes lamang ng nasa poder. Mahalagang maging mapagmasid at mapanuri ang taumbayan.

Bukas ang korner na ito sa tugon pa ng mga konsernado para sa patas na pamamahayag. Kumontak sa #09495751872.