SI LOLO RICO ANG HERO NI YULO

SA rurok ng tagumpay na tinatamasa ngayon ng ating bayaning si Paris Olympics double gold medalist gymnast Carlos Edriel Yulo, marami na ang pumipiktyur ng kredito na bahagi sila ng huge success ng ating little big man.

OPINION

DANNY SIMON

8/8/20242 min read

SA rurok ng tagumpay na tinatamasa ngayon ng ating bayaning si Paris Olympics double gold medalist gymnast Carlos Edriel Yulo, marami na ang pumipiktyur ng kredito na bahagi sila ng huge success ng ating little big man.

Sa mga panayam sa batang Yulo, panay pasasalamat ang namumutawi sa kanyang bibig sa mga taong sumuporta at dahilan kung bakit nasa pedestal siya ngayon ng katanyagan.

Politiko man, sports leader, higanteng negosyante, pilantropo, coach, maestro, naging guro, magulang o kasama sa buhay na umaangkin ng kredito sa pag-angat ni King Carlos ay given na yan.

Iyong iba ay sakay lang sa bandwagon ng kasikatan para sa personal na interes lamang.

Pero sino man sa mga nabanggit ay walang binesa sa nagawa ni Lolo Rico lalo noong musmos pa si Caloy.

Lingid sa kaalaman ng lahat maliban sa reporter na ito ay matinding sakripisyo ang inilaan niya bilang gabay sa paghubog ng talento ng potensyal na bata.

Sa panahong iyon ay akay-akay ni Lolo Rico (di ko na matandaan ang buong pangalan sa tagal nang nakalipas) ang mga batang Leveriza na mula sa praktis nilang tumbling sa Paraiso ng Batang Maynila sa Adriatico patungong Rizal Memorial Sports Complex para manood ng mga batang gymnast sa palaruang iyon sa RMSC.

Umamot pa siya ng espasyo sa ating diyaryo noon na akin namang pinaunlakan para mabalita ang mumunting panalo niya sa scholastic meets bilang gymnast ng Aurora Quezon Elementary School sa San Andres, Malate .

Bagama't me edad na si Lolo Rico, manipis ang katawan at di naman naging atleta noong kanyang kabataan ay may lakas-loob ito at determinasyong madiskubre ang talento at kalibre ni Yulo.

Saksi ang korner na ito sa sakripisyo nito kaya kahit walang pera sa bulsa ay taos ang kanyang pag-gabay na di niya alam na pagdating ng panahon ay magiging dahilan ng isang makasaysayang tagumpay ng kanyang musmos na inakay sa mundo ng mga alamat na buhay.

Huling nakita ko si Lolo Rico (isputing na siyang nakabihis) noong victory party sa Heritage sa Pasay nang nagkampeon si Yulo sa World Artistic Gymnastics na ginanap sa Germany.

Naroon pa raw siya sa kanyang balwarte sa mataong lugar ng Leveriza.

'Yaan mo Lolo Rico, mabait na bata si Caloy at di niya malilimutan ang mga sakripisyo mo noon.

Ikaw ang tunay na bayani ni Yulo higit kaninupaman. Hahanapin ka niya para pasalamatan...ABANGAN!