SIKARAN: TRADISYONG SIKAD NG KULTURANG PILIPINO

HIGIT isang buwan na lang ay eeksenang muli ang ipinagmamalaking tradisyunal sa isport di lang sa lalawigan ng Rizal na kinamulatan ng larangan kundi sa bansang Pilipinas at sa buong mundo na rin.

SPORTS

ni Joanne Manglicmot - Correspondent

10/6/20252 min read

HIGIT isang buwan na lang ay eeksenang muli ang ipinagmamalaking tradisyunal sa isport di lang sa lalawigan ng Rizal na kinamulatan ng larangan kundi sa bansang Pilipinas at sa buong mundo na rin.

Sa darating na Nobyembre 16, 2025, sisiklab na naman ang pinaka-maalamat na sining martial at pinakahihintay sa bayan ng Tanay-ang ika-4 na Sikaran Hane Festival, isang Open Martial Arts Tournament na bahagi ng selebrasyon ng tanyag na piyesta ng bayang may temang “Smile and Shine Tanay Hane.”

Ang selebrasyong ito ay patunay na ang Sikaran ay ang sariling pambansang traditional martial arts ng Pilipinas — ay tunay na buhay at patuloy na yumayabong at sumisikad bawat taong singkad.

Ito ang tanging larangan bukod sa mga spectator sports sa bansa tulad ng basketball,volleyball,footbal,softball at iba pa ang tunay na dinadagsa bawat may kumpetisyon na ngayon ay nationwide at ibayong dagat na ang mga ganap.

Isa itong pinagmamalaki ng Pilipinas, lalo na ng lalawigan ng Rizal partikular sa Tanay na bayang sinilangan ni Master Crisanto Cuevas- founding head ng Raven Tanay Sikaran para sa mga kabataan na naging pangarap na maging batikang sikaran athlete sa hinaharap kung saan ay nagtayo pa si Master Cuevas ng training academy at practice hub sa kanyang balwarte sa Tanay.

Ang salitang “Sikaran” ay nag-ugat sa salitang Tagalog na “sipa-sikad” o kick sa dayuhang lengwahe.

Hindi tulad ng ibang combat sport na gumagamit ng kamay at siko, ang larong ito ay nakatuon sa malalakas, mabilis, at matutulis na sipa, sikad at tadyak.

Ayon sa mga pag-aaral, ito ay nag-evolve mula sa iba't ibang bersyon. Ang kick na ito ay hinango sa mga magigilas na magsasaka noon kaya tinatawag itong “Tadyak Kalabaw,” na isang popular na sipa.

Sa larong ito, pinananatili ang disiplina at paggalang, isang patunay na hindi lang ito tungkol sa lakas kundi pati na rin sa dangal at magandang pag-uugali.

Ang tagapagtaguyod ng tradisyunal na sport na ito, si Master Cuevas, founder ng Raven Sikaran, ay nakapagtayo ng Sikaran Training School para sa mga kabataang may potensyal at nais maglaro. Ipinapakita nito ang malalim na pagpapahalaga at pagmamahal sa tradisyunal na larong ito.

"Kung papansinin sa ibang bayan, basketball o volleyball etc. ang ķraniwang nilalaro pero kaming mga Tanayeño, ang Sikaran ang nangungunang sport na isan tradisyon na mula pa sa ninuno hanggang sa ngayon sa panahon nating modernong pinuno",wika ni Master Cuevas.

Sa nalalapit na Sikaran Festival, pangungunahan ito ng mga organisasyon ng bayan upang mas mapangalagaan at maipasa sa bagong henerasyon ang pamanang tradisyunal na laro, na patuloy na payayabungin bilang natural na yamang pisikal ng mga alagad ng sining martial o kombatante sa ruweda man o lona. Mas mapapakita ng mga Tanayeño na ang larong ito ay hindi lamang isang sport kundi isang bahagi ng kultura at destinasyon para sa sports tourism.

Kung dati ay natatago lamang sa kasaysayan, sa bawat Sikaran Festival, lalo pang yayabong ang larong sining na ito na sa malapit na hinaharap ay ganap ng magiging national sports association sa basbas ng Philippine Olympic Committee at rekognisyon ng Philippine Sports Commission.